Hiniling ni Sen. Grace Poe na mabigyan ng prayoridad ang mga senior citizens sa upuan sa mga pampublikong transportasyon.
Sa inihain ni Poe na Senate Bill 1367, nais nitong maamyendahan ang ilang probisyon sa Republic Act 7432 o ang Expanded Senior Citizens Act para sakupin na ang mga jeep, bus, tren, barko at eroplano.
Pinuna ng senadora na wala sa nabanggit na batas ang accessibility law kung saan nakasaad na dapat ay may mga poster o sticker sa mga pampublikong transportasyon na nagpapaalala sa priority seating sa mga matatanda maging sa mga persons with disabilities.
Pinansin pa nito na bagamat may reserved seats para sa mga matatanda sa mga public land transportations, wala naman nito sa mga barko at eroplano.
Nais ni Poe na ang mga upuan malapit sa mga entrance door sa mga barko at eroplano ay dapat ireserba sa mga matatanda.