Inatasan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang Department of Interior and Local Government na ipatupad ang suspension laban kay Mayor Denny Refol ng Bayan ng Altavas matapos mapatunayang guilty sa kasong disgraceful at immoral conduct.
Una dito, may tinanggap na reklamo mula sa isang hindi nagpakilalang complainant ang Ombudsman dahil sa umano’y imoralidad ng nasabing alkalde.
Agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang Ombudsman kung saan nakakuha sila ng birth certificate ng sinasabing anak ni Mayor Refol sa hindi niya asawa na mayroon pa siyang pirma.
Bukod dito, isinasama rin umano ng alkalde sa mga gatherings ang babaeng naka-relasyon at alam ng kanyang constituent ang pakikipagrelasyon nito sa babaeng hindi niya asawa.
Depensa naman ng alkalde, hindi lang naman siya ang may ganitong klase ng mga pagkakaroon ng anak sa labas, at sa katunayan ay 70% ng mga opisyal at kawani ng gobyerno ay mayroong imoralidad na gawain.
Hindi ito tinanggap ng Ombudsman kung saan sinabing guilty ang alkalde sa kasong kinakaharap.