Isyu sa South China Sea, tatalakayin ng China at Pilipinas sa Mayo
Magpupulong ang mga kinatawan ng pamahalaan ng Pilipinas at ng China sa May 2017 upang pag-usapan ang isyu sa South China Sea.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, sinabi ni Ambassador Zhao Jianhua na nasasabik na rin ang China sa magaganap na unang pagpupulong tungkol sa bilateral mechanism sa South China Sea.
Sa pamamagitan kasi ng nasabing bilateral mechanism, makakabuo ng “mutual trust” at maritime cooperation ang dalawang bansa upang maiwasan na ang hindi pagkakaintindihan tungkol sa teritoryo sa rehiyon.
Una na ring ipinahayag ni Zhao na determinado ang China na makipagtulungan sa mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations sa pagbuo ng Code of Conduct Framework kaugnay sa South China Sea.
Dagdag pa ng Chinese ambassador, inaasahan niya ang pagpapatuloy ng bilateral cooperation ng dalawang bansa.
Bukod sa South China Sea, posibleng pag-usapan din sa pulong ang mga infrastructure project at anti-poverty programs.
Sinabi din ni Abella na umaasa si Chinese Ambassador Zhao na maipapatupad at makukumpleto ang mga proyektong pang-imprastraktura sa termino ni Pangulong Duterte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.