Sa isang panayam, sinabi ni Robredo na handa siyang makipagkita sa pangulo para sa isang hapunan sa kabila ng maraming bagay na hindi nila napagkakasunduan.
Ipinagkibit balikat din ng pangalawang pangulo ang babala ni Sen. Antonio Trillanes IV na posibleng isang ‘trap’ o patibong ang naturang imbitasyon ni Duterte.
Una nang binalaan ni Trillanes si Robredo na posibleng taktika lamang ni Duterte ang naturang hakbang para madisarmahan ang bise presidente.
Sinabi din ni Robredo na naniniwala siyang maganda ang intensyon ng pangulo sa kanyang imbitasyon at masama kung hindi niya sasalubungin ‘halfway’ ang alok ni Duterte.
Binanggit pa ng pangalawang pangulo na mayroon lamang pinanggagalingan ang takot na nararamdaman ng kanyang mga taga-suporta sa naturang imbitasyon ni Duterte dahil marami na aniyang nangyari.
Sa kabila nito, iginiit na Robredo na hahanapin nila ng pangulo ang mga bagay na maaari pa rin nilang mapagkasunduan dahil mandato at obligasyon nila ang manilbihan para sa bayan.
Ginawa ni Pangulong Duterte ang pag-iimbita kay Robredo nang magkasama sila sa graduation ng Philippine National Police Academy noong nakaraang Biyernes.
Parehong may kinakaharap na impeachment complaint ang dalawang pinakamataas na lider ng bansa.