1 Scout Ranger at 2 miyembro ng Abu Sayyaf, patay sa engkwentro sa Basilan
Patay ang isang miyembro ng scout ranger sa engkwentro sa pagitan ng mga tauhan ng Philippine Army at mga miyembro ng Abu Sayyaf sa Sumisip, Basilan.
Kinilala ang nasawi na si Private First Class Dexter A. Paquit ng 53rd Infantry Battalion, 26 anyos at tubong Malingao, Tubod, Lanao del Norte. Sugatan naman sa engkwentro si 2Lt James A. Martinez ng 102nd DRC, 10th Infantry Division, Philippine Army, 25 anyos na tubong Laslasong West, Sta. Maria, Ilocos Sur.
Naganap ang engkwentro alas 11:45 ng umaga kahapon, Agosto 19, habang nagsasagawa ng joint military operations ang 104th Brigade/Joint Task Group Basilan na pinamumunuan ni Col. Rolando Joselito Bautista.
Ang nasabing combined elements ay naka-engkwentro ng humigit-kumulang walumpung miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa pamumuno ni Isnilon Hapilon sa Punoh Timuguen, Baiwas, Sumisip, Basilan.
Patay din sa nasabing sagupaan ang dalawang miyembro ng ASG na sina sub-leader Pasil Bayali at Ambasing Akinatal. Lima naman ang nasugatan mula sa bandidong grupo.
Nakuha mula sa mga ASG members ang isang Cal .45 Thompson submachinegun, mga magazine ng M16 at M14 armalite, tatlong sakong bigas, isang air gun, dalawang cell phone at dalawang back pack./ Josephine Codilla, Dona Dominguez – Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.