Nangangamba ang United Nations (UN) na lalo pang lumawak ang nararanasang matinding gutom sa bansang Yemen dahil sa patuloy na armed conflict sa naturang bansa.
Sa report ni Ertharin Cousin, pinuno ng UN World Food Program, halos wala na raw mabili na mga pagkain sa mga pamilihan dahil sa takot ng mga traders na maipit sila sa mga kaguluhan na nagaganap ngayon sa ibat-ibang bahagi ng Yemen.
Umaabot na rin sa 1.5 milyon ang mga evacuees na nagsisiksikan sa mga lugar na itinakda ng kanilang pamahalaan dahil sa internal conflict sa naturang bansa.
Pati ang mga ospital ay kinakapos na rin sa mga gamot at maraming mga pasyente na rin ang nakahiga sa mga sahig ayon pa sa report ng UN official.
Sinabi naman ni UN Humanitarian Mission Chief Stephen O’Brien na hindi rin nila mapasok ang mga conflict areas para matulungan ang mga naiipit na mga sibilyan dahil binabaril ng mga magkakalabang grupo ang kanilang team.
Sa kasalukuyan ay tuloy ang barilan sa pagitan ng magkakamping grupo ng mga Shiite rebels at tropa ni dating Yemen Pres. Ali abdullah Saleh laban sa mga pwersa ng Southern Seperatists at loyal troopers ni Pangulong Abed Rabo Mansour Radi na ngayon ay suportado na rin ng Saudi Arabian government.
Umaapela na rin ng tulong sa international community ang U.N para sa dagdag na pagkain na kanilang ipadadala sa mga nagugutom na sibilyan sa Yemen./ Den Macaranas
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.