Singaporean couple kulong dahil sa pagmamalupit sa isang Pinay D.H

By Den Macaranas March 27, 2017 - 03:56 PM

Singaporean couple
The Staits Times/ANN

Hinatulan ng Singaporean court ang isang mag-asawa makaraan nilang pagmalupitan at gutumin ang kanilang kasambahay na isang Pinay.

Sa ulat ng Strait Times, kinilala ang mga hinatulan na sina Choong Sui Foon,47-anyos at ang kanyang 45-anyos na misis na si Lim Choong Hong.

Sila ay napatunayang guilty sa pagmamalupit sa Pinay Domestic Helper na si Thelma Oyasan Gawidan.

Ayon sa salaysay ni Gawidan, dalawang beses lang umano sa isang araw kung siya’y pakainin ng kanyang mga amo at araw-araw ay tanging white bread at instant noodles lamang ang kanyang kinakain sa nakalipas na labinglimang buwan.

Iba umano ang kanyang kinakain kumpara sa kanyang mga amo.

Sa loob ng isang linggo ay tatlong beses lang umano pinapayagang maligo si Gawidan at hindi rin siya pinagagamit ng comfort room ng kanyang mga amo kaya napipilitan siyang gumamit ng common c.r sa tinutuluyan nilang Boulevard Residence sa kahabaan ng Cuscaden Walk sa Singapore.

Mula sa dating 45-kilogram na timbang ay bumagsak ang kanyang pangangatawan sa 29-kilogram na lamang at nalagas rin ang kanyang mga buhok dahil sa malnutrisyon.

Ang kanyang mga abusadong amo ay pinagmulta ng hukuman ng $10,000 o katumbas ng P359,000 at tatlong buwang pagkakabilanggo.

Pero tiniyak naman ng prosecution na iaapela nila ang desisyon para mapatawan ng mas mabigat na parusa ang mga Singaporean na amo ni Gawidan.

TAGS: domestiic helper, gawidan, singaporean, domestiic helper, gawidan, singaporean

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.