Tuloy pa rin ang opensiba ng Armed Forces of the Philippines laban sa rebeldeng New People’s Army sa kabila ng naunang anunsyo ng komunistang grupo na magdedeklara sila ng unilateral ceasefire bago matapos ang buwan ng Marso.
Ayon kay AFP Chief of Staff Brig. Gen. Eduardo Año, magdedepende kay Pangulong Rodrigo Duterte ang magiging desisyon kung kailan sila magpapatupad ng tigil putukan laban sa CPP-NPA.
Magiging useless naman aniya ayon kay Año ang idedeklarang ceasefire ng NPA kung patuloy pa rin ang mga ito sa kanilang pag-extort at panununog ng mga heavy equipments.
Kaugnay nito, muli namang binigyang diin ni Año na hindi hahayaan ng AFP at Philippine National Police na patuloy na lumabag sa batas ang komunistang grupo at patuloy na madamay ang mga inosenteng tao sa komunidad.
Samantala, sinabi rin ni AFP-PAO Chief Col. Edgard Arevalo na tulad ng nakaraang ceasefire, magdedepende pa rin sa punong ehekutibo ang pagdedekara ng tigil putukan sa panig ng gobyerno.
Habang ang SOMO o suspension of military operations naman ay manggagaling sa chief of staff ng AFP.
Sa unang linggo ng Abril nakatakdang muling buksan ang 4th round ng peace talks sa pagitan ng CPP-NPA-NDF at ng gobyerno ng Pilipinas.