Eviction sa Kadamay members sa Pandi, Bulacan nakatakdang ipatupad ngayong araw ng Lunes
Pinaghahandaan na ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o KADAMAY ang inaasahang pagdating ng mga tauhan ng National Housing Authority sa mga pabahay na kanilang inuukupahan sa Pandi, Bulacan.
Ngayong araw ng Lunes ang ibinigay na deadline ng NHA sa KADAMAY members para lisanin ang Pandi 3 Village na iligal na inukupahan ng grupo.
Bilang paghahanda, nagtayo ng mga barikada ang mga miyembro ng KADAMAY sa bukana ng Pandi 3.
Gawa ang naturang mga barikada sa bato, kahoy, alambre at mga bagay na binalot ng tela.
Nagbantay din magdamag ang mga kabataan na miyembro ng grupo sa mga papasok sa kanilang lugar.
Noon pang nakaraang linggo ay paulit ulit na nagmatigas ang KADAMAY na hindi nila lilisanin ang naturang mga pabahay at anila walang may karapatan na paalisin sila doon dahil public funds ang ginamit para maitayo ang mga housing projects.
Sa inilabas naman na pahayag ni KADAMAY chairperson Gloria “Ka Bea” Arellano, nakasaad na pipigilan nila ang lahat ng gagawin pagsisilbi ng notice of eviction ng NHA.
Nanindigan naman ang grupo na hindi sila magiging bayolente hangga’t walang nasasaktan sa kanilang mga miyembro.
Hindi bababa sa labing dalawang libong miyembro ng KADAMAY ang umuokupa sa naturang housing projects ng gobyerno sa Pandi, Bulacan.
Bukod sa Pandi 3, kabilang din sa mga inuukupahang pabahay ng naturang grupo ay ang Pandi 2, BJMP Housing, Villa Elise, Villa Luis, at Padre Pio.
Hanggang sa mga oras na ito ay wala pang ibinibigay na utos sa mga pulis at militar na ipatupad ang eviction.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.