Nasukol ng mga guwardya sibil ng Spain ang mga suspek matapos ang imbestigasyon na sinimulan noon pang Nobyembre kung saan nadiskubre ng mga otoridad ang pag-singit ng iligal na droga sa mga kargamento ng saging.
Natagpuan ng mga pulis ang 57 pekeng mga saging na gawa sa resin na siniksikan ng 7 kilong cocaine, at nakahalo sa mga tunay na saging.
Mayroon ding 10 kilong cocaine na natagpuang nakasiksik naman sa mga flaps ng mga karton na kahong pinaglalagyan ng mga prutas.
Naganap ang pag-aresto sa mga lungsod ng Valencia at Malaga sa Spain.
Napag-alaman na kasapi sa isang sindikato ang dalawang Spanish na mga suspek na kinasuhan na ng drug trafficking.
Sa ngayon naman ay iniimbestigahan pa ang isang lalaki na kasama umano ng dalawang suspek, na isa namang Italian.