Hinihintay pa ng Armed Forces of the Philippines o AFP ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ceasefire, bago ihinto ang mga operasyon laban sa New People’s Army o NPA.
Ito ang sinabi ni AFP chief-of-staff Gen. Eduardo Año, kasunod ng pahayag ng Communist Party of the Philippines o CPP na magdedeklara sila ng ceasefire sa katapusan ng Marso.
Ayon kay Año, depende sa presidente kung magdedeklara rin ng ceasefire.
Aniya, balewala ang deklarasyon ng CPP ng unilateral ceasefire kung ipagpapatuloy naman ng kanilang mga miyembro ng pangingikil at pagsusunog sa ilang mga ari-arian.
Sa ngayon, tiniyak ni Año na hindi hahayaan ng AFP at Philippine National Police o PNP ang anumang paglabag sa batas ng CPP-NPA lalo na ang mga nakaka-apekto sa mga inosenteng tao.
Noong Pebrero, ini-utos ni Pangulong Duterte ang pagbawi sa government ceasefire dahil sa serye ng pag-atake ng NPA na ikinamatay ng ilang mga sundalo.