1 patay sa pamamaril sa loob ng double-decker bus sa Las Vegas, Nevada

By Mariel Cruz March 26, 2017 - 10:11 AM

LAS VEGAS, NEVADA
AP PHOTO

Napatay ang isang indibiduwal habang sugatan ang isa pa matapos mamaril ang isang gunman sa loob ng isang bus sa Las Vegas, Nevada ngayong umaga.

Ayon kay Las Vegas Police officer Larry Hadfield, nagkaroon ng mahigit limang na oras na standoff kung saan nagkulong sa loob ng bus ang suspek bago tuluyan sumuko sa pulisya.

Naganap ang pamamaril at ang standoff alas onse ng umaga sa loob ng isang double-decker bus sa Las Vegas Boulevard malapit sa Cosmopolitan Hotel.

Ayon naman kay University Medical Center spokeswoman Danita Cohen, dalawa katao ang isinugod sa ospital matapos ang pamamaril.

Isa aniya dito ang namatay at ang isa naman ay nagtamo ng minor injuries.

Sinabi naman ni Hadfield na walang kinalaman sa terorismo ang naturang insidente at wala rin ebidensya na konektado sa naganap na pagnanakaw sa Bellagio Casino kamakailan.

Wala pa rin aniya silang nakukuhang impormasyon ukol sa suspek na nasa kustodiya na ng mga otoridad at maging sa mga biktima.

Sa ngayon ay mananatilin sarado ang southbound lane ng Las Vegas Boulevard habang nagpapatuloy ang imbestigasyon pero ang northbound lane ay binuksan na sa trapiko.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.