Bago matapos ang buwan ay magdedeklara magdedeklara ng tigil-putukan ang Communist Party of the Philippines.
Inanunsyo ito ng mga komunistang grupo bilang pagsuporta sa pagpapatuloy ng ikaapat na round ng peace talks sa pagitan ng pamahalaan at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa buwan ng Abril.
Inaasahan naman ng CPP na magdedeklara rin ng unilateral ceasefire ang pwersa ng pamahalaan bilang napagkasunduan din sa back channel talks noong March 10 at 11.
Hiniling din ng CPP sa Armed Forces of the Philippines na maghinay-hinay sa mga opensiba laban sa mga komunistang rebelde para maisakatuparan ang tigil-putukan.
Kasabay nito, umaasa rin ang komunistang grupo na palalayain ng administrasyong Duterte ang labingsiyam na matatanda at may sakit na political prisoners kabilang ang apat na consultant ng NDFP at isang naaresto kamakailan lamang.
Gagawin ang ikaapat ng round ng peace talks sa April 2 hanggang 6 sa Noordwijk, Netherlands.
Ito ang muling pag-uusap ng magkabilang grupo mula nang pansamantalang ipinahinto ito ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero ang peace talks dahil sa pananambang ng mga rebeldeng komunista sa pwersa ng panahalaan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.