Bagyong Ineng lalo pang bumagal, public storm warning signal nakataas sa 12 lugar
Lalo pang bumagal ang kilos ng bagyong Ineng habang patuloy itong lumalapit sa bahagi ng Batanes.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) huling namataan ang bagyo sa 445km East ng Calayan, Cagayan.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 180kph malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 215kph. Kumikilos na lang ngayon ang bagyo ng 13kph sa direksyong pa-kanluran.
Bukas ng hapon ang pinakamalapit na lokasyon ng bagyo sa Batanes Area at inaasahang lalo pa itong babagal kapag nakalapit na ng Batanes. “Bumabagal siya, bumubwelo na para pumihit. Patungo pa lang ang bagyong Ineng ng Batanes Area, bukas siya liliko pa Taiwan,” Ayon kay Meno Mendoza ng PAGASA.
Nakataas pa rin ang public storm warning signal number 2 sa Batanes Group of Islands, Cagayan kabilang na ang Calayan at Babuyan Group of Islands. Ang nasabing mga lugar ay makararanas ng lakas ng hanging aabot sa 61 hanggang 120kph.
Pinapayuhan din ang mga manginngisda na huwag munang pumalaot dahil aabot sa 4.1 hanggang 14 meters ang inaasahang taas ng alon sa mga baybayin ng mga lugar na nasa ilalim ng signal number 2.
Signal number 1 naman ang nakataas sa Northern Aurora, Ifugao, Isabela, Mt. Province, Kalinga, Apayao, Abra at Ilocos Norte. Aabot naman sa 30 hanggang 60kph ang mararanasang lakas ng hangin sa nasabing mga lalawigan.
Dahil sa bumagal ang kilos ng bagyo, sinabi ng PAGASA na maaring sa Lunes pa ng umaga ito makalabas ng bansa./ Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.