Malaki ang hinala ng US federal prosecutors na may kinalaman ang North Korea sa 81 milyong dolyar na cybertheft na mula sa Bangladesh account nito sa New York Federal Reserve Bank.
Sa naturang cyberhacking na naganap noong February 2016, nagawang mailipat ng mga hackers ang malaking halaga ng pera mula sa account ng Bangladesh sa New York Fed patungong bangko ng RCBC sa Pilipinas.
Ayon sa ulat ng Wall Street Journal, kasalukuyang bumubuo na ng kaso ang mga US prosecutors upang maipakitang tinulungan ng ilang Chinese middlemen ang North Korean government upang isagawa ang pagnanakaw sa Bangladesh Central Bank.
Gayunman, hindi pa matiyak sa ngayon kung may mga partiklar na personalidad nang masasampahan ng reklamo kaugnay sa naturang insidente.
Una nang nagbigay ng mga pahayag noon ang New York Federal Reserve Bank na hahabulin ang mga sangkot sa multi-milyong dolyar na cyberheist at babawiin ang $81 milyon na nanakaw na pera.
Matatandaang nadawit ang ilang matataas na opisyal ng RCBC sa iskandalo makaraang ma-withdraw ang malaking halaga ng salapi sa isa nilang branch sa Makati City.