Kinondena ni British Prime Minister Theresa May ang nangyaring pag-atake sa Westminster na ikinasawi ng limang tao, kabilang na ang suspek at isang pulis, at ikinasugat ng 40 iba pa.
Sa pahayag ni May, sinabi niya na patuloy pang inaalam ang kabuuang detalye ng nangyaring terror attack at mananatili naman aniyang nakataas sa “severe” ang threat level sa United Kingdom.
Pinuri naman ni May ang katapangan ng mga security officials at mga pulis sa paligid ng Parliament na agad rumesponde nang mangyari ang pag-atake.
Nagpahatid rin ang prime minister ng kaniyang pakikiramay sa mga mahal sa buhay ng mga nasawi sa insidente.
Nanindigan ang prime minister na hindi sila magpapa-daig sa nasabing terror attack, at bukas ay babalik na sa normal ang lahat sa Parliament, ang pamumuhay ng mga residente at turista sa Westminster.
“Tomorrow morning, Parliament will meet as normal. We will come together as normal. And Londoners – and others from around the world who have come here to visit this great city – will get up and go about their day as normal.
They will board their trains, they will leave their hotels, they will walk these streets, they will live their lives. And we will all move forward together. Never giving in to terror. And never allowing the voices of hate and evil to drive us apart,” pahayag ni May.
Samantala, dahil naman sa nasabing insidente, kinansela na muna ng Buckingham Palace ang pagbisita ni Queen Elizabeth sa New Scotland Yard.