Pampasaherong bus, tumagilid sa Elliptical Road sa Quezon City; 30 sugatan
(Update) Umabot na sa 30 katao ang sugatan matapos tumagilid ang isang pampasaherong bus sa kahabaan ng Elliptical Road sa Quezon City.
Base sa inisyal na imbestigasyon, galing sa Commonwealth Avenue at patungong East Avenue ang nasabing bus ng Precious Grace Transport na may plakang UWM-161 nang mangyari ang aksidente.
Ayon sa ilang mga nakasaksi sa aksidente, nakipag-gitgitan ang naturang bus na may rutang MIA-San Jose del Monte, Bulacan.
Nawasak din ang dalawang kotse at isang taxi na nakagitgitan ng bus.
Kasalukuyan namang nilalapatan ng lunas sa East Avenue Medical Center ang mga nasugatang biktima, kabilang na ang driver ng bus na nakilalang si Rommel Gaso.
Nagdulot naman ng pagsikip sa daloy ng trapiko sa lugar ang nasabing aksidente.
Bagaman naitayo naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang bus dakong alas-6:00 ng umaga, nanatili pa ring nakabalagbag sa kalsada ang dalawang pribadong sasakyan at isang taxi na tatlong lanes na ang sakop. Mayroon din aniya kasing tumagas na langis kaya iniingatan nila ang paglinis dito upang hindi na magdulot pa ng panibagong aksidente.
Ayon kay JC Domingo ng MMDA, aabot na sa bahagi ng Don Antonio ang tukod ng trapiko dahil sa aksidente. Para naman aniya sa mga magmumula sa EDSA, umabot na sa Agham road ang masikip na daloy ng trapiko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.