Duterte sinisilip na ideklarang ‘vacant’ ang lahat ng puwesto sa barangay sa Oktubre-Sueno

 

Kuha ni Erwin Aguilon
Kuha ni Erwin Aguilon

Bukod sa pagkansela ng barangay elections sa Oktubre, nais rin ni Pangulong Rodrigo Duterte na ideklarang ‘vacant’ ang puwesto ng lahat ng mga opisyal ng barangay at magtalaga na lamang ng kanyang mga ‘appointees’.

Ito ang isiniwalat ni DILG Secretary Mike Sueno sa isang panayam sa pagbubukas ng 15th meeting ng Asean Senior Officials Responsible For Information sa SMX Convention Center sa Bacolod City.

Giit ni Sueno, ayaw lamang ni Pangulong Duterte na manalo ang mga opisyal ng barangay na suportado ng mga drug lords kaya’t nais nitong i-postpone ang eleksyon.

Sa ilalim aniya ng plano ng pangulo, papalitan na lamang ng mga tao na hindi sangkot sa droga ang mga barangay officials pagsapit ng Oktubre dahil matatapos na ang mga termino ng mga ito.

Itinanggi naman ni Sueno na layon ng plano na palakasin lamang ang kapit ni Pangulong Duterte sa buong bansa.

Giit nito, nais lamang ng pangulo na malinis sa mga lider na sangkot sa droga ang bawat barangay.

Samantala, mariin namang kinontra ni Magdalo rep. Gary Alejano ang panukalang muling ipagpaliban ang barangay elections.

Labag rin aniya ang plano ng pangulo na magtalaga na lamang ng mga appointees sa mga iiwang puwesto ng mga barangay officials na magtatapos ang termino sa Oktubre.

Giit nito, Dapat ay pagbigyan ang mga mamamayan na iboto ang sinumang nais nilang mailuklok sa barangay.

Magdudulot aniya ng negatibong epekto sa taumbayan kung patuloy na pipigilin ang kanilang karapatang bumoto, giit pa ni Alejano.

Read more...