Inanunsiyo na ni Fil-German Azkals goalkeeper Roland Muller ang kanyang pagreretiro sa national football team ng Pilipinas.
Sa kanyang Instagram account, nagpost si Muller ng larawan niya na kumakaway sa audience kalakip ang madamdaming mensahe na naglalarawan sa kanyang karanasan at journey bilang miyembro ng Philippines Azkals.
Sinabi ni Muller ang kanyang naging unang laro para sa Azkals ang nagbigay ng daan para maipakita niya sa publiko ang kanyang kakayahan at galing sa paglalaro ng football.
Sa tagal aniya nito sa paglalaro para sa Azkals, itinuring na niyang pamilya ang koponan at kapatid ang kanyang teammates.
Dagdag pa ni Muller, sa bawat laro na mananalo o matatalo sila, magkakasama at hindi sila nag-iiwanan ng kanyang Azkals teammates.
Buong buhay aniya siyang magiging proud at thankful dahil naging parte siya ng Azkals at naglaro para sa bansang Pilipinas.
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, sinabi ng Fil-German goalkeeper na isang napakahirap na desisyon ang gagawin niyang pagreretiro pero panahon na aniya para alagaan at mas pagtuunan niya ng pansin ang kanyang pamilya.
Isa sa naging highlights ng international career ni Muller ay nang makapag-ambag siya sa pag-qualify ng Pilipinas sa 2014 AFC Challenge Cup sa Maldives.
Taong 2011 nagsimula si Muller na maging bahagi ng 20-man roster ng Philippine Azkals na lumaban sa Long Teng Cup sa Taiwan.