(updated) Naka-engkwentro ng puwersa ng militar ang mahigit-kumulang sa isandaang kasapi ng bandidong Abu Sayyaf sa Indanan Sulu, Miyerkules ng hapon.
Sa report ng AFP, naganap ang encounter sa sitio Marang Buanza, sa bayan ng Indanan pasado alas 5:00 ng hapon.
Nagsasagawa ng operasyon ang 1st Scout Ranger Battalion sa lugar upang hanapin ang mga hawak na hostage ng Abu Sayyaf nang makaengkwentro ng mga ito ang grupo ng ASG na pinangungunahan ng mga ASG sub-commanders na sina Yasser Igasan at Alhabsy Misaya.
Dito na nagkapalitan ng putok sa magkabilang panig kaya’t gumamit na ng artillery ang militar bilang suporta sa mga napapaengkwentrong sundalo.
Nagresulta ito sa pagkasawi ng 20 bandido kung saan lima sa mga labi ay iniwan na lamang ng kanilang mga kasamahan sa encounter site.
Samantala, wala namang iniulat na nasaktan sa puwersa ng militar.
Nagpapatuloy pa ang bakbakan sa kasalukuyan./Jay Dones