Aminado ang pamunuan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ng PNP na nakapag-established na ng kanilang puwersa ang teroristang Maute Group dito sa Metro Manila.
Ayon kay NCRPO Chief Dir. Oscar Albayalde, tukoy na rin nila ang ilang mga lugar na ginawang secret haven o kuta ng teroristang grupo at isa sa mga nadiskubreng kuta ay sa Tanza, Cavite.
Ani Albayalde, ilan sa mga miyembro ng Maute Group dito sa Metro Manila ay matagal ng naninirahan dito na siyang nagbibigay ng suporta lalo na sa mga sasakyan at tirahan para sa mga miyembro ng Maute members na mula pa sa Mindanao.
Kagabi naaresto ang isang miyembro ng Maute Terror Group na si Nasib Ibrahim sa Barangay Culiat sa Quezon City na ihinarap kanina sa media ni PNP Chief Ronald Dela Rosa.
Nakuha kay Ibrahim, ikalimang suspek sa tangkang pagpapasabog sa US Embassy na naaresto ng PNP ang isang Cal. 45 pistol, KG 9mm machine pistol, mga bala at heat-sealed plastic sachet ng shabu.
Ani Albayalde, si Ibrahim ang nagmamaneho ng sasakyang Revo na siyang ginawang getaway vehicle ng mga suspek na nag-iwan ng pampasabog sa kahabaan ng Roxas Blvd. kamakailan.