Oral argument sa petisyon ni Sen. De lima, itutuloy ngayong araw

de-limaIpagpapatuloy ngayong araw Martes, March 21 ng Supreme Court ang oral arguments sa petisyong inihain ni Senador Leila de Lima may kaugnayan sa Bilibid drug trade.

Inaasahang sa itutuloy ng mga mahistrado ang pagtatanong kay Dating Solicitor General Florin Hilbay na tumatayong abogado ni De Lima.

Kapag natapos na ang interpelasyon kay Hilbay, susunod namang maglalahad ng argumento si Solicitor General Jose Calida para ipagtanggol ang mga public respondent sa kaso na kinabibilangan ng mga opisyal ng PNP at ni Judge Juanita Guerrero ng Muntinlupa RTC Branch 204.

Sa pagdinig noong nakaraang linggo, tinawag ni Associate Justice Presbitero Velasco na premature o masyadong maaga ang pagdulog ni de Lima sa Korte Suprema dahil nakabinbin pa ang kanyang motion to quash ang kampo ni De Lima sa Muntinlupa RTC Branch 204.

Tila ang nais umano ng kampo ni De Lima ay ma-bypass ng Korte Suprema ang mababang hukuman na hindi pa naman nagdedesisyon sa mosyon.

Mainit ding natalakay ang probisyon ng dalawang batas at kung ano rito ang dapat na manaig.

Ito ay ang Section 90 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act at ang Section 2 ng RA 10660 na nag-aamyenda sa lumang Sandiganbayan Law.

Ang Section 90 ng RA 9165 ay nagsasaad na ang mga paglabag sa nasabing batas ay masa exclusive jurisdiction ng mga RTC na itatalaga ng Korte Suprema para humawak ng mga kaso ng droga.

Ang Section 2 ng RA 10660 ay tumutukoy naman sa mga kaso na nasa ilalim ng exclusive jurisdiction ng Sandiganbayan at kasama na rito ang mga paglabag sa ilalim ng RA 3019 o Anti Graft and Corrupt Practices Act at sa mga opisyal ng gobyerno na nasa salary grade 27 pataas.

Para kay Dating Solicitor General Florin Hilbay, kung ang public official ay direktang may partisipasyon sa transaksyon ng iligal na droga, ang may hurisdiksyon sa kanya ay ang RTC, pero kung sinasabing siya ay nakinabang o kumita dahil sa drug trading at walang kinalaman sa transaksyon ng droga, ito ay kaso na nasa ilalim ng Sandiganbayan.

Sa kanyang petisyon, kinuwestiyon ni De Lima ang findings of probable cause ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 204 sa kasong isinampa ng DOJ at ang ipinalabas nitong arrest warrant laban sa kanya.

Read more...