Hindi pa rin malinaw kung makakalabas ngayong araw mula sa pagkaka-hospital arrest si Senador Juan Ponce Enrile.
Wala pa kasing inilalabas ang clerk of court ng Supreme Court En Banc na ‘promulgated decision’ o desisyon na pirmado na ng lahat ng Mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman na pumabor sa petisyon for certiorari ng senador na nagpapahintulot sa kanya para makapagpiyansa sa kasong plunder.
Ayon sa clerk of court, hindi rin sila makapagpapalabas ng ‘notice of resolution’ hangga’t wala pang ‘promulgated decision’.
Ang ‘notice of resolution ay maaring gamitin ng kampo ng mambabatas para ipakita sa Sandiganbayan na patunay na nagdesisyon na ang Supreme Court para siya ay makapagpiyansa.
Hindi pa rin malinaw sa ngayon kung ano ang pinagbasehan ng desisyon at kung sinu-sino ang bumuto pabor at hindi pabor sa petisyon ng senador dahil wala pang inilabas na detalye ang Public Information Office ng Korte Suprema sa dahilang hindi pa promulgated ang desisyon.
Subalit magugunitang noong nakaraang linggo, pagkatapos ng Supreme Court En Banc session kung saan pinagbotohan ang petition for ‘bill of particulars’ ng senador ay agad naglabas ng mga detalye ang PIO ng Korte Suprema kahit hindi pa promulgated ang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman./ Ricky Brozas