Kamara, sinimulan na ang pagsasapubliko ng listahan ng attendance sa sesyon
Inumpisahan na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang paglalabas ng listahan ng mga kongresista na present sa sesyon.
Ito ay makaraang ipangako ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na isasapubliko ang pangalan ng mga dumadalo sa sesyon araw-araw, upang malaman ng publiko kung sino-sino ang mga masipag, maging ang mga tamad na Kongresista.
Batay sa attendance kahapon (August 18), isangdaan at labing siyam (119) na kongresista ang tumugon sa roll call.
Gayunman, bitin na bitin ang bilang kaya idineklarang walang quorum at maagang nag-adjourn ang sesyon.
Wala ring nagawang trabaho kahapon ang kamara at bigo ring maituloy ang period of interpellation sa panukalang Bangsamoro Basic Law o BBL.
Hiling ni Belmonte sa media na palagiang ilathala o isapubliko ang pangalan ng mga miyembro ng kamara na present sa session hall, bilang bahagi ng reward campaign, sa halip na isagawa ang shame campaign sa mga absenerong kongresista.
Sa paraang ito aniya ay mahihikayat ang mga kongresista na lagging absent na gawin ang kanilang plenary duties.
Hinimok din ni Belmonte ang publiko na palagiang i-check ang mga nalalathalang listahan ng attendance ng mga kongresista, upang mabatid ng mga ito kung masipag ba o tamad dumalo sa sesyon ang kani-kanilang mga kinatawan sa kamara. / Isa Avendaño-Umali
Narito ang listahan na inilabas ng kamara:
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.