DOLE, kakasuhan ang mga airline company para matigil ang pangungulekta ng travel tax at terminal fee sa mga OFW

 

Nagbanta si Labor Secretary Silvestre Bello III na kakasuhan ang mga airline company para mapilit ang mga ito na agad itigil ang paniningil ng travel tax at terminal fees mula sa mga Overseas Filipino Workers o OFW.

Tugon ito ni Bello sa ulat na sa April 30 pa raw ihihinto ng mga airline company ang paniningil.

Ayon kay Bello, hindi tama ang patuloy na paniningil ng travel tax at terminal fee mula sa mga OFW dahil tatlong taon na nang magkabisa ang batas na naglilibre sa mga OFW mula sa nasabing bayarin.

Ang tinutukoy ni Bello na batas ay ang Republic Act 8042 o Migrant Workers and Overseas Filipino Act of 1995 na inamyendahan ng RA 10022.

Dudulog na umano ang DOLE sa Office of the Solicitor General para magsulong ng kaukulang ligal na hakbang at mahinto sa lalong madaling panahon ang paniningil ng travel tax at terminal fee mula sa mga OFW.

Dagdag pa ni Bello, dapat i-remit ng Civil Aviation Authority of the Philippines sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA ang travel tax at terminal fee na hindi naman na-irefund sa mga OFW.

Ang CAAP ang nangangasiwa ng koleksyon kaugnay sa operasyon ng public air services at nagmamantine ng mga national airport at air navigation.

Read more...