KARERA NG “IMPEACHMENT”, LUMARGA sa “WAG KANG PIKON” ni Jake Maderazo
Nagmamadali talaga ang mga pulitikong tanggalin sa pwesto sina Pres. Duterte at VP Robredo.
Ang unang reklamo ay isinampa ni Magdalo party list Rep. Gary Alejano na lumabag sa Konstitusyon si Digong dahil sa War on drugs, Davao death squad at P2.2B hidden wealth.
Si Digong raw ang pumatay sa 7,000 EJKs sa ilalim ng War on drugs. Si Digong raw ang nag-utos sa DDS na pumatay ng maraming tao sa Davao. Si Digong raw ay merong P2.2B tagong yaman. Idagdag pa ang umano’y katrayduran ni Digong sa Benham Rise at pagpabor sa China, sabi ng oposisyon.
Ayon sa mga lider ng Kamara, ibabasura ang reklamo sa House committee on justice dahil sa “lack of form and substance” . Bagay na na nakita natin noong panahon nina PGMA at Pinoy. Ni hindi maka-first base dahil sa ‘”tyranny of numbers”.
Kung magkakaroon ng “pirma” ng 2/3 ng Kamara, ang reklamo ay aakyat agad sa Senado para sa “impeachment trial”. Tulad kay Erap noon kung saan nakuha ng oposisyon ang 80 signatures at dineretso ni Speaker Manny Villar sa Senado.
Pero ngayon, mukhang 97 boto ang kailangan ng oposisyon dahil 292 na ang congressmen. Sa ngayon, 32 lang ang oposisyon at 260 naman sa “super majority”. Kayat ang tanong , makuha kaya ng Magdalo at Liberal party ang dagdag na 65 votes para madala sa Senado ang “impeachment trial” ni Duterte?
At kung matuloy, maco-convict ba ito kung 18 sa 24 na senador ay sumusuporta kay Duterte?
Sa akin, mukhang mas mauuna pa ang isasampang “impeachment case” ni House speaker Pantaleon Alvarez laban kay VP Robredo na “betrayal of trust”. Diumano siniraan ni VP ang sariling bansa, Malakanyang at PNP sa United Nations Commission on Narcotics and Drugs. Ang paninira ay may malaking implikasyon sa ekonomya natin lalo’t negatibo ang reaksyon ng “international community”. Bukod dito, nakiisa raw si Robredo sa oposisyon na tanggalin sa pwesto si Duterte, at siya,bilang Bise Presidente ,ang makikinabang.
Sabi naman ni Robredo, hindi niya nakikita kung ano ang basehan ng bantang impeachment complaint ni Speaker Alvarez . Ayon sa Liberal party, walang basehan at “orchestrated” ang mga bantang impeachment kay Robredo.
Pero, mukhang mas totoo ang sabi ni Senate President Koko Pimentel na mas magiging mabilis ang impeachment kay Robredo kaysa kay Digong. Kailangan lang ng 100 congressman sa “260 super majority” ang pumirma sa “Robredo impeachment complaint” at ikakasa na ang “trial” sa Senado.
Hindi ako magtataka na sa pagbabalik ng Kongreso sa Mayo 2, lalarga na ang dalawang “impeachment complaint”. Iyung kay Duterte ay ililibing sa House Committee on Justice pero iyong kay Robredo ay malamang na aakyat sa “Senate impeachment court” matapos lumagda ang 97 o kaya’y 100 super majority congressmen.
At kung matanggal si Robredo, sino sa mga Senador ang pipiliin ni Duterte bilang bagong Vice President? Naalala niyo ba si PGMA noon na pinili si Sen. Teofisto Guingona bilang VP matatpos masibak si Erap?
Ngayon, sino ang susunod na VP? Si Koko Pimentel o Alan Peter Cayetano?
Gulat kayo?
Abangan!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.