Philippine Eagle ‘Pamana’ patay matapos barilin sa Davao Oriental
Kinumpirma ng Philippine Eagle Foundation (PEF) ang pagkasawi ng agilang si ‘Pamana’ dalawang buwan matapos itong palayain sa kagubatan ng San Isidro, Davao Oriental.
Ayon kay Dennis Salvador ng PEF, sa pagsusuri ng kanilang mga tauhan kay Pamana matapos itong matagpuang patay noong Linggo, August 16, nakitaan ito ng tama ng bala ng baril.
Nakita ng PEF sa Davao City na may tama si kanang dibdib si Pamana na mula sa 5 mm bullet.
Ang tatlong taong gulang na si Pamana ay natagpuan sa Sitio Tomalite sa Barangay La Union, San Isidro, Davao Oriental na parehong lugar kung saan siya pinalaya noong June 12, 2015.
Ayon sa PEF, simula nang palayain si Pamana ay patuloy ang kanilang pag-monitor dito sa pamamagitan ng radio signals mula sa maliit na transmitter na inilagay sa likod ng agila.
Noong August 10, napansin umano ng tracker team ng PEF na nasa ‘mortality mode’ ang radio signals na natatanggap nila mula kay Pamana, na nangangahulugang hindi ito kumilos sa loob ng hindi bababa ng anim na oras.
Dahil dito, hinanap na ng tracker team ang lokasyon ni Pamana at nakita nga nila itong wala ng buhay malapit sa isang creek.
Si Pamana ay inaalagaan ng PEF matapos siyang matagpuan sa Iligan City tatlong taon na na ang nakararaan na puno ng sugat sa katawan. Matapos tuluyang maka-recover, pinalaya si Pamana sa Mt. Hamiguitan noong Independence Day./ Dona Dominguez – Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.