Nanindigan si Magdalo Congressman Gary Alejano na walang kinalaman si Vice Presdient Leni Robredo o dilawan o mga miyembro ng Liberal Party ang nasa likod ng impeachment complaint maging ang umano’y destabilization plot laban sa Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pulong balitaan sa Quezon City, sinabi ni Alejano na dapat nang itigil ng administrasyon ang pag-dedemonized o pagpapalitaw na masama ang LP.
Mula aniya nang maupo sa puwesto ang administrasyon ni Duterte, lahat na lang ng kritisismo at mga batikos ay palaging itinuturo ang LP na may pakana.
Sinabi pa ni Alejano na kinokondisyon ng administrasyon ang isipan ng taong bayan na demonyo ang mga taga-LP.
Sinabi pa ni Alejano na tanging desisyon ng Magdalo group ang paghahain ng impeachment laban kay Duterte.
Matatandaang una nang sinabi nina Presidential Spokesman Ernesto Abella at House Speaker Pantaleon Alvarez na may kinalaman si Robredo sa tangkang pagpapatalsik sa puwesto sa Pangulong Duterte.