Lalaki, patay matapos umanong mang-agaw ng baril sa pulis sa Singalong, Maynila

Kuha ni Cyrille Cupino
Kuha ni Cyrille Cupino

Patay ang isang lalaki matapos umanong mang-agaw ng baril sa ikinasang operasyon sa Arellano Ave., Brgy. 732, Singalong, Maynila.

Kinilala ang suspek na si Christopher Velasco, 27-anyos, nagta-trabaho bilang taga-bantay ng jeep sa Brgy. 739.

Ayon kay Police Chief Insp. Paulito Sabulao, commander ng Arellano Police Community Precinct, nagsagawa ng one-time bigtime operation ang kanyang mga tauhan sa naturang barangay.

Nahulihan umano ng patalim ang suspek dahilan para damputin ito, at posasan ng mga pulis.

Matapos posasan, tumakbo umano ang suspek papunta sa kabilang barangay, tumalon sa bubong at pumasok sa bahay ng isang Fely Delas Nieves.

Dito na siya hinabol ng mga pulis, hanggang sa ma-korner ito sa loob ng banyo.

Kwento ni Sabulao, nang bibitbitin na ang suspek, agad umano nitong inagaw ang baril ng pulis dahilan para paputukan ito at mapatay.

Ayon kay Sabulao, kalalaya lamang ng suspek mula sa kasong pagtutulak ng droga.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya na pagkakapatay kay Velasco.

Read more...