3 pulis Parañaque, inireklamo ng pangingikil sa estudyante at kaniyang girlfriend

By Kabie Aenlle March 18, 2017 - 04:37 AM

paranaqueIsang commander ng presinto at dalawang iba pang pulis sa Parañaque ang sinibak sa kanilang mga pwesto dahil sa umano’y pangingikil sa isang college student at girlfriend nito.

Gumawa agad ng hakbang ang National Capital Region Police Office (NCRPO) kaugnay ng reklamo laban kina Insp. Mahlail Anthony Carpizo, at mga tauhan niyang sina PO1 Jason Tiamson at PO1 Gerson Maranan ng Sun Valley police community precinct.

Ayon sa imbestigador na si SPO2 Dennis Frivaldo, nagbigay ng affidavit ang 21-anyos na estudyante kung saan nakasaad na pinaglabas siya ng P50,000 ng tatlong pulis upang makaiwas sa pagkaka-book dahil sa “public scandal.”

Base sa affidavit ng estudyanteng tumanggi nang magpakilala, nasa biyahe sila ng kaniyang kasintahan ala-1:30 ng madaling araw noong March 5, at nag-away silang dalawa kaya napilitan siyang tumabi muna sa West Service Road sa Brgy. Sun Valley.

Sakay ng kanilang patrol car, nilapitan umano nina Carpizo, Tiamzon at Maranan ang dalawang kabataan, at sinita sa akusasyong nagtatalik umano sila sa loob ng sasakyan.

Upang hindi sila arestuhin at kasuhan ng public scandal, hiningan ni Tiamson ang dalawa ng P60,000, ngunit nagkasundo rin ang tatlo na ibaba na lang ito sa P50,000.

Sumama sina Carpizo at Maranan sa magkasintahan sa kanilang sasakyan nang maghanap ang estudyante ng ATM, upang i-withdraw ang nasabing halaga.

Isinama pa ng estudyante sa affidavit ang resibo ng pagwi-withdraw niya, bilang katunayan na limang beses pa siyang nag-withdraw ng tig-P10,000.

Ngayon ay dinisarmahan na ng NCRPO sina Carpizo at Maranan, habang si Tiamson naman ay hindi pa muling pumapasok mula noong Miyerkules.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.