Mga pagdinig ng Senado, tuloy pa rin sa kabila ng session break
Pinahihintulutan na ngayon ang Senado na magsagawa pa rin ng mga mahahalagang hearings at imbestigasyon kahit pa sa kalagitnan ng recess o break sa kanilang sesyon.
Bago tapusin ang kanilang sesyon noong Miyerkules, inadopt na ng Senado ang Resolution No. 330 kung saan nakasaad na maari pa ring ipagpatuloy ng mga regular, oversight at special committees ang kanilang mga pagdinig, pagpupulong o konsultasyon sa kabila ng session break.
Maliban dito, maari din silang maglabas ng subpoena o subpoena duces tecum sa kaninoman, upang magbigay ng testimonya o maglabas ng mga kaukulang dokumento na kakailanganin sa mga isasagawang pagdinig.
Ayon kay Majority Leader Tito Sotto, ito ay para makapagpatuloy pa rin ang pag-pasa sa mga nakabinbing panukalang batas o mga imbestigasyon tungkol sa mahahalagang isyu sa bansa.
Samantala, kahit isinagawa ang mga pagdinig sa kasagsagan ng session breaks, hinihikayat pa rin ang mga komite na agad isumite ang kanilang mga reports o ang resulta ng mga ito upang mabilis ding maipasa ng Senado.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.