DOJ, nakatanggap ng mga dokumento tungkol sa umano’y katiwalian sa nagdaang administrasyon
Pawang mga ebidensya tungkol sa umano’y mga katiwaliang naganap sa nagdaang administrasyon ang nilalaman ng mga dokumentong ipinadala sa Department of Justice (DOJ).
Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre II, nagbigay ang civil society leader na si Pastor Boy Saycon sa DOJ ng mga dokumentong naglalaman ng mga resibo at kontrata na mga ebidensya umano sa katiwalian sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR).
Bukod aniya dito, may mga nakasaad din dito tungkol sa mga campaign contributions na umano’y hindi idineklara ng ilang mga kandidato sa nagdaang halalan noong 2016 sa kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).
May mga koneksyon din aniya ang mga dokumentong ito sa sugalan, sa Cavite Export Zone Authority (CEZA) at maging sa Commission on Elections (COMELEC).
Matagal na aniyang hawak ni Boy Saycon ang mga nasabing dokumento, ngunit tinantya muna niya kung mapagkakatiwalaan ba niya ang kasalukuyang administrasyon bago niya ito ibinigay sa mga otoridad.
Tumanggi na si Aguirre na magbigay pa ng iba pang detalye tungkol sa mga dokumento, ngunit sinabi niyang daan-daang milyon piso ang nasangkot dito.
Sa ngayon aniya, kailangan niya pang busisiin at pag-aralan ang mga dokumentong ito dahil hindi niya pa ito lubusang nababasa.
Si Saycon ang Secretary-General ng civil society group na Council of Philippine Affairs (COPA).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.