Senator Juan Ponce Enrile, balik Senado matapos payagang magpiyansa
Matapos payagan ng Korte Suprema na makapagpyansa si Sen. Juan Ponce Enrile, inaabangan na ng kaniyang mga kasamahan sa senado ang kaniyang pagbabalik.
Ayon kay acting minority floor leader Sen. Vicente Sotto III, sa pagbabalik sesyon ni Enrile, magpapatuloy na rin ang kaniyang pagiging minority leader.
Ayon naman kay Sen. Franklin Drilon, bagaman inisailalim si Enrile sa hospital arrest sa Philippine National Police General Hospital sa loob ng mahigit isang taon, hindi naman niya talaga iniwan ang kaniyang mga gampanin bilang senador maliban lamang sa pagdalo sa mga sesyon.
Kaabang-abang para sa mga kapwa niya senador ang pagbabalik ni JPE dahil makakasama na siya sa nalalapit na plenaryo para sa draft charter ng Bangsamoro substate.
Lumabas ang desisyon ng Korte Suprema ukol sa kanilang pagpayag na makapagpyansa ang 91-anyos na senador matapos bumoto ang walong mahistrado pabor sa pansamantalang kalayaan ni Enrile at apat lang ang hindi.
Ang mga mahistradong pumanig kay Enrile ay sina Presbitero Velasco Jr., Teresita Leonardo-De Castro, Arturo Brion, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Mariano del Castillo, Jose Perez at Jose Mendoza; samantala ang apat naman na hindi pumayag ay sina Chief Justice Maria Lourdes Sereno and Associate Justices Antonio Carpio, Estela Perlas-Bernabe at Marvic Leonen.
Nagkakahalaga ng kabuuang P1,450,000 ang piyansa ni Enrile; P1-million para sa kasong plunder at P450,000 para sa 15 counts ng graft na itinalagang P30,000 per count.
Matatandaang sumuko sa Philippine National Police si Enrile noong July 4, 2014 para sa kasong pambubulsa ng P173 million sa pamamagitan ng pagmamanipula ng kaniyang pork barrel.
Ayon kay PNP Criminal Investigation and Detection Group sirector Chief Supt. Victor Deona, makakalabas na si Enrile sa oras na magkaroon na sila ng kopya ng kaniyang release order./Kathleen Betina Aenlle
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.