Phil. Army, dumepensa sa imbitasyon kay Mocha Uson bilang speaker sa kanilang event
Idinipensa ng Philippine Army ang pag-imbita nila kay Mocha Uson bilang isa sa guest speakers sa gaganaping Army Senior Leaders’ Conference na itinakda sa ikatlong linggo ng Marso.
Ito ay makaraang maghayag ng kani-kanilang sentimyento ang ilang mga miyembro ng Defense Press Corps o DPC sa bagay na ito.
Hindi kasi naging katanggap-tanggap para sa ibang mamamahayag ang mga nauna nang pagbatikos ni Uson sa kaniyang social media accounts laban sa mga lehitimong media professionals.
Hindi rin maunawaan ng mga Defense Press Corps members kung bakit si Uson ang kailangang gawing speaker sa event, na may temang ‘Embracing Diversity, Building a Strong Army.’
Paliwanag ni Army Spokesman Col. Benjamin Hao, hindi lang naman si Uson ang speaker kundi may dalawang iba pa na sina Pompee la Vina at Abe Olandres.
Ayon kay Hao, inimbitahan nila si Uson para ibahagi nito ang kaniyang mga karanasan bilang blogger na mayroong 4.8 milyong followers, para sa paksang ‘Challenges of a Social Media Personality.’
Layunin ng taunang Senior Leaders’ Conference na itaguyod ang kamalayan sa mga hamong pang- seguridad sa pamamagitan ng mga tatalakaying paksa ng speakers.
Kumbinsido ang DPC na walang ideya ang matataas na opisyal ng AFP sa mga ipino-post na komento ni Uson sa kaniyang social media accounts.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.