Bubuo ang Malacañang ng anti-graft unit na tututok sa mga reklamo na isinasampa laban sa mga opisyal ng pamahalaan na nasa executive branch.
Ayon kay Cabinet Secretary Leoncio Evasco, iimbestigahan ng anti-graft unit ang mga reklamo na may kinalaman sa korupsyon na inihahain sa Presidential Action Center.
Paliwanag ni Evasco, binuo ang anti-graft unit matapos maghain ng reklamo ang mga empleyado ng Tourism Promotions Board laban sa kanilang Chief Operating Officer na si Cesar Montano dahil sa mga anomalya at iregularidad.
Pero ayon kay Evasco, hindi lang ang kaso ni Montano ang iimbestigahan ng anti-graft unit kundi maging ang iba pang opisyal sa executive department.
Matatandaang una nang sinabi ng pangulo na patuloy pa rin niyang pinagkakatiwalaan si Montano sa kabila ng isinampang reklamo laban sa opisyal.