Nagluluksa ngayon ang mga kawani at estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Marikina dahil sa pagpatay ng isa sa mga mataas na opisyal ng nasabing unibersidad.
si Dr. alfredo Dimaano, vice president ng PLMAR ay natagpuang tadtad ng saksak sa leeg at wala nang buhay sa kanyang tahanan sa Marikit Subdivision, Brgy. Conception Uno, Marikina City Miyerkules ng umaga.
Nadiskubre ang bangkay ng biktima ng mismong kasambahay ng kanya umanong pasukin sa kuwarto matapos na hindi na ito tumutugon sa kanyang tawag at pagkatok sa kuwarto.
Ayon kay Marikina PNP Chief of Police, Supt. Lorenzo Holanday, inaalam pa rin nila kung ano ang motibo sa pagpatay sa biktimang si Dimaano, 44-anyos at kung may mga gamit o pera itong nawawala.
Batay naman sa kuwento ni Barangay Chairman Gerardo Santo Domingo, pasado alas-10 Martes nang gabi nang mamataan umano ng guwardiya ng subdibisyon na nakaposte sa tapat lamang ng bahay ng biktima na dumating ang sasakyan nito at pagbaba ay may kasamang isang lalaki na nasa pagitan ng edad na 24 hanggang 25 anyos.
Samantala, ikinalungkot naman ng ilang mga kaibigan at kakilala ng biktima ang pangyayari lalo’t mabait umano ito at matulungin.