Sa kanyang inihain House Resolution No. 884, sinabi ni Biazon na layunin nitong pagbutihin pa ang stratehiya ng pamahalaan sa pagbabantay sa mga teritoryong sakop ng bansa.
Aniya, kailangan din ng malalim pang pag-aaral sa seguridad ng bansa at foreign policies para maiigiit ng Pilipinas ang pag-angkin nito sa Benham Rise na puno ng likas-yaman.
Isinaad din ni Biazon na simula pa sa Treaty of Paris noong 1898, bahagi na ng teritoryo ng bansa ang Benham Rise.
Pinagtibay rin aniya ito ng The Philippine Baselines Law of 2009 kung saan tinukoy ang teritoryo at boundaries ng bansa, kabilang na ang hurisdiksyon sa Benham Rise.
Sakop ito ng continental shelf ng Pilipinas na matatagpuan 250 kilometro sa silangan ng Dinapigue, Isabela, batay sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Noong 2012, kinumpirma rin ng UN na sakop ito ng exclusive economic zone ng bansa.
Inanunsyo ni Defense Secretary Delfin Lorenzana noong nakaraang linggo na ilang buwan nang nagsasagawa ng pagsasaliksik ang China sa Benham Rise, taliwas sa sinabi ng China na napadaan lamang ito sa lugar.
Iginiit din ng China na hindi maaaring angkinin ng Pilipinas ang Benham Rise.