Kabilang sa mga lugar na isinailalim sa signal number 1 ang Batanes Group of Islands at Cagayan, kabilang ang Calayan at Babuyan Group of Islands. Ayon sa PAGASA ang mga nabanggit na lugar ay makararanas ng 30 hanggang 60 kilometers kada oras na lakas ng hangin sa susunod na 36 na oras.
Ang bagyong Ineng ay huling namataan ng PAGASA sa 955 kilometers East ng Aparri, Cagayan. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot na sa 180 kilometers kada oras at pagbugsong aabot sa 215 kilometers kada oras.
Kumikilos ang bagyo sa direksyong pa-kanluran sa bilis na 25 kilometers kada oras.
Sinabi ng PAGASA na kung mapapanatili ng bagyong Ineng ang lakas ng hangin nito ay maaring umabot sa signal number 3 ang itaas nilang babala ng bagyo sa mga lugar sa Northern Luzon na maaapektuhan ng patuloy na paglapit nito.
Sa ngayon sinabi ng PAGASA na nararamdaman na sa Palawan at Visayas ang epekto ng habagat na pinalalakas ng bagyong Ineng./ Dona Dominguez-Cargullo