Sec. Lorenzana, blangko sa umano’y kasunduan ni Pres. Duterte at China sa Benham Rise survey

 

Ikinagulat ni Defense Secretary Delfin Lorenzana nang mapag-alamang may basbas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglalayag at pag-survey ng barko ng China sa Benham Rise.

Matatandaang sa press conference ni Pangulong Rodrigo Duterte, inamin nito na nauna nang nagpasabi sa kanya ang China sa kanilang ginawang survey sa naturang lugar.

Nang hingan ng tugon si Lorenzana ng mga miyembro ng media kaugnay sa pahayag ng pangulo, tumanggi itong magbigay ng pahayag dahil hindi niya batid ang naging usapan ng pangulo at panig ng China hinggil sa isyu.

Si Secretary Lorenzana ang unang nag-anunsyo noong nakaraang linggo sa publiko na nagsagawa ng ilang buwang survey ang barko ng China sa Benham Rise.

Kinontra rin nito ang aniya’y ‘innocent passage’ na depensa ng China sa kanilang pagtungo sa Benham Rise.

Batay aniya sa kanilang natanggap na mga ulat, nagpa-ikot ikot, huminto at nagtigil pa ng ilang buwan sa Benham Rise ang barko ng China na taliwas sa sinasabi nitong napadaan lamang sila sa lugar.

Read more...