39 preso, ginawaran ng certificates of pardon

 

Inquirer file photo

Umabot na sa 39 na preso ang nakatanggap ng kanilang mga certificates of conditional and commutation pardons.

Ito’y alinsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagkalooban ng executive clemency ang 127 preso.

Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre II, ito ay bilang pagsunod na rin sa kagustuhan ng pangulo na mabawasan na ang napakaraming bilang ng mga PDLs o persons deprived of liberty.

Mas malaki na aniya kasi ang bilang nito kumpara sa kayang i-accommodate ng mag kulungan sa bansa.

Kasama rin sa utos ng pangulo ang pagbibigay ng parole, pardon at pagtapos sa sentensya ng mga karapatdapat na preso base sa kanilang mga good conduct and allowances.

Inilabas ang pangalan ng 39 na preso matapos ang pagpupulong ng Board od Pardons and Parole (BPP) na pinamumunuan din ni Aguirre.

Ani pa Aguirre, gumawa siya ng mga rekomendasyon para sa presidential pardon base sa endorsement na ibinigay sa kaniya ng BPP matapos siyasatin ang eligibility ng mga inmates na nasa listahan.

Aniya, otomatiko nang makakalaya mula sa pagkakakulong ang mga preso oras na makuha nila ang kanilang mga papeles.

Matapos makalaya, isasailalim naman ang mga parolees sa pagbabantay ng Parole and Probation Administration (PPA) hanggang sa maabot nila ang maximum period ng kanilang sentensya.

Samantala, pinaalalahanan naman ng DOJ ang mga parolees na anumang paglabag sa parole conditions ay mauuwi sa muling pagkakakulong base sa rekomendasyon ng PPA, na aaprubahan pa ng BPP.

Wala namang napasamang high profile inmates sa listahan.

Read more...