Patay ang isang umano’y sub-leader ng Abu Sayyaf Group sa operasyon ng militar sa Barangay Panglima Alari, bayan ng Sitangkai, Tawi-tawi.
Kinilala ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Information Office Chief Col. Edgard Arevalo, ang ASG sub-leader na napatay na si Buchoy Hassan alias Black o Bocoi.
Narecover mula kay Hassan ang isang M16 rifle at limang speedboats.
Si Hassan, 48 taong gulang, ay isa sa mga wanted personalities sa Malayasia dahil sa kaugnayan nito sa pagdukot ng Taiwanese national na si Chang An Wei o Evelyn Chan sa Pom Pom Island Resort sa Sabah noong November 2013.
Kaugnay nito, patuloy na inaalam kung may kinalaman din si Hassan sa ilang insidente ng kidnapping.
Nauna na ring lumabas ang ulat na sangkot sa illegal drug trade ang nasabing ASG sub-leader.
Ayon kay Western Mindanao Command Commander Major General Carlito G. Galvez Jr., patuloy ang isinasagawa nilang operasyon katuwang ang pulisya at ibang law enforcement agencies para mapabilisang pag-resto sa mga miyembro ng Kidnap for Ransom Group at maiwasan ang mga insidente ng kidnapping sa probinsya.
Hinimok din ni Galvez ang mga local leaders at sa mga komunidad na patuloy na ipaalam ang kinaroroonan ng mga ito lalo na ang mga miymbro ng ASG dahil hindi dapat aniya nakakalaya ang mga ito para magkaroon ng kapayapaan sa kanilang mga lugar.