Oral Argument sa kaso ni Sen. Leila de Lima, isasagawa ngayong araw sa Supreme Court
Isasagawa ngayong araw Martes, March 14 sa Supreme Court (SC) ang oral arguments may kaugnayan sa inihating petisyon ni Senator Leila de Lima.
Sampung minuto ang ibinigay ng korte sa kampo ng petitioner at mga respondent na kakatawanin ng Office of the Solicitor General para maglahad ng kani-kanilang opening statement.
Tatalakayin dito ang isyung procedural kabilang ang mga sumusunod:
– Nararapat bang hindi sundin ang tinatawag na heirarchy of courts gayong ang petisyon ay dapat na inihain muna sa Court of Appeals?
– Maituturing ba na premature ang petisyon ni De Lima dahil nakabinbin pa sa Muntinlupa RTC ang kanyang motion to quash?
– At kung nakagawa ba ng paglabag sa rule against forum shopping si De Lima dahil inihain niya ang petisyon kahit hindi pa naman nadedesisyunan sa mababang hukuman ang kanyang motion to quash, gayundin ang merito ng inihain niyang petisyon sa Court of Appeals na kumukuwestiyon sa preliminary investigation ng DOJ sa kanyang kaso?
Sa substantive issues, tututok ang pagdinig sa mg sumusunod sa mga tanong na:
– May hurisdiksyon ba ang RTC o Sandiganbayan sa mga drug cases o mga paglabag sa ilalim ng Republic Act 9165?
– Nakagawa ba ng grave abuse of discretion si Muntinlupa RTC Branch 204 Judge Juanita Guerrero nang siya ay magpasya na may probable cause para magpalabas ng arrest warrant laban kay De Lima?
– At nararapat bang magpalabas ang Korte Suprema ng Temporary Restraining Order o Status Quo Ante Order na mangangahulugan ng pansamantalang paglaya ni De Lima habang ang petisyon ay hindi pa nadedsisyunan ng Korte Suprema o di kaya ay habang nakabinbin pa ang resolusyon ng Muntinlupa RTC sa kanyang motion to quash?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.