Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na marami pang opisyal ng pamahalaan ang gugulong ang ulo kaugnay sa kanyang kampanya kontra sa kurapsyon.
Ito ay kasunod ng pagsibak sa pwesto kay dating National Irrigation Administration Head Peter Laviña na isinangkot sa umano’y paghingi ng porsiento sa isang proyekto ng kanyang tanggapan.
Pero sa press conference sa Malacañang kanina, sinabi ni Duterte na malaki pa rin ang kanyang tiwala kay Tourism Promotions Board Chief Operating Officer Cesar Montano.
Si Montano ay inreklamo ng ilang mga empleyado ng TPB sa Presidential Action Center dahil sa umano’y paglustay sa pondo ng kanyang tanggapan at pag-appoint ng ilang mga kaibigan at kaanak sa nasabing ahensiya ng pamahalaan.
Sinabi ni Duterte na welcome ang anumang uri ng imbestigasyon kaugnay sa nasabing mga alegasyon laban sa pinuno ng TPB.
Samantala, sa isang pahayag kanina ay sinabi ni Montano na walang katotohanan ang mga reklamo laban sa kanya.
Hinamon rin niya ang mga naghain ng reklamo na maglabas ng mga ebidensiya na magbibigay ng bigat sa kanilang mga bintang.
Hindi rin umano siya magbibitiw sa pwesto at ipagpapatuloy ang kanyang trabaho sa TPB.