Mining firms nasa likod ng destabilization plot ayon kay Duterte

duterte001
Photo: Chona Yu

Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi matutumbasan ng P70 Billion na taunang kita mula sa mga mining firms ang patuloy na pagkasira ng ating kapaligiran.

Sa kanyang ipinatawag na press conference, sinabi ni Duterte na sila ay may mandato na pangalagaan ang kapaligiran para sa susunod na henerasyon.

Hinamon rin ng pangulo ang mga miyembro ng media na magsalita kung sino sa kanila ang pabor sa pagkasira ng kalikasan kapalit ng malaking kita ng salapi.

Isa-isa ring ipinakita ni Duterte ang mga larawan ng ilang mining sites na umano’y pinabayaan ng mga nag-ooperate dito.

Partikular na ikinabahala ng pangulo ang nangyayari ngayon sa lalawigan ng Surigao Del Sur at Surigao Del Norte na ayon sa kanya ay grabeng sinira ng malalaking mga mining firms.

Sinabi rin ng pangulo na kilala na niya kung sino ang mga nasa likod ng destabililization plot laban sa kanyang pamahalaan na umano’y pinopondohan ng ilang mga mining firms.

Kumpara sa mga pinag-iinitang kaingero, sinabi ng pangulo na higit na mas malaki ang pinsala sa kapaligiran ng mga mining firms.

Bukas ay inaasahang maglalabas na ng desisyon ang makapangyarihang Commission on Appointments kaugnay sa kapalaran ni Environment Sec. Gina Lopez.

Nauna nang ipinag-utos ni Lopez ang pagsasara sa ilang mga minahan sa bansa.

Kasama ni Pangulong Duterte na humarap sa press conference sina Senate President Rodrigo Duterte at House Speaker Pantaleon Alvarez kung saan kanilang sinabi na solid ang kanilang partido na PDP sa direksyon ng pangulo tungo sa Federalism at environment preservation.

Read more...