Pagdurog sa Abu Sayyaf gagamitan ng high tech guided missile

Abu-Sayyaf-1-radyo-inquirer
Inquirer file photo

Hinihintay na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdating ng precision guided munitions mula sa China bago tuluyang bombahin ang mga kuta ng Abu Sayyaf Group sa Mindanao region.

Ayon sa pangulo, nakakuha na ngayon ang Pilipinas ng mga jet planes na kayang lumipad ng araw at gabi.

Hindi mag-aatubili ang pangulo na pulbusin ang bundok at sirain ang mga plantasyon kung kinakailangan.

Sorry na lamang ayon sa pangulo kapag may nadamay na sibilyan dahil kinakailangan na tapusin ang problema sa terorismo.

Dagdag pa ni Duterte, “Pero pagka dumating tayo sa punto na ‘yan, sorry na lang. Talagang sorry na lang. Kasi titingnan ko talaga, tapos ang problema”.

Ayon sa pangulo, kakayanin pa niyang lunukin ang ginagawang pag-atake ng Abu Sayyaf Group sa mga kampo ng militar at pulis subalit hindi niya maatim ang pambobomba sa mga eskwelahan at pagpugot sa mga inosenteng sibilyan.

Binigyang diin ng pangulo na hindi maaring magpatuloy ang kasalukuyang sitwasyon sa Mindanao kung saan patuloy na namamayagpag ang bandidong grupo.

Hindi rin magda-dalawang isip ang pangulo na gamitin ang lahat ng kapangyarihan bilang pangulo ng bansa at magdeklara ng martial law kapag nagpatuloy ang terorismo sa dulong bahagi ng bansa.

Ayon pa sa pangulo, “Pag ako ang nag-declare ng martial law, it will be the defining moment diyan sa kalokohan ninyo na terrorism because I will see to it that tapos talaga ang problema”.

Read more...