Isang immigration officer at 6 na iba pa, kabilang ang limang Pinoy ang dinakip kamakailan sa Malaysia dahil sa hinalang sila ay mga miyembro ng ISIS.
Sa ulat ng “The Star” at “Asia News network” ang mga suspek ay dinakip sa magkakahiwalay na operasyon na isinagawa ng mga otoridad mula noong March 8 hanggang 12.
Ayon kay Inspector-General of Police (IGP) Tan Sri Khalid Abu Bakar, ang babaeng immigration officer ay nakipagsabwatan para makabiyahe ang mga suspek patungong Sabah at saka pupunta sa Mindanao kahit wala silang karampatang travel documents.
Kinumpirma din ng opisyal na ang mga Pinoy na dinakip ay pawang mayroong permanent resident (PR) status sa Malaysia.
Unang naaresto ang 27-anyos na Pinoy, na sinundan ng pagkakadakip sa 18-anyos na Pinoy rin sa Kota Kinabalu.
Ayon sa IGP, ang 18-anyos na suspek ay natuklasan nilang isang ISIS militant at miyembro ng grupo ni Abu Sayyaf senior leader Isnilon Hapilon.
Sa ikalawang operasyon na isinagawan sa Sandakan, Sabah, isang 53-anyos na ferry ticket seller at isa pang empleyado na kapwa din Filipino ang nadakip, kasama ang 31-anyos na immigration officer.
Ang ikaanim na suspek ay isang 36-anyos na Pinoy din at nakakulong na ngayon sa Sandakan.
Habang ang ikapitong suspek ay 36-anyos din na Malaysian na dating medical assistant sa isang ospital.