Mga empleyado ng MIAA, napag-initan ni Sandra Cam dahil sa VIP lounge

sandra-camSumabog sa galit ang dating “jueteng” whistle-blower at senatorial candidate na si Sandra Cam nang hindi siya mabigyan ng VIP treatment sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong nakaraang buwan.

Nagsimula ang pagka-irita ni Cam matapos siyang hindi makilala ng isang empleyado ng paliparan na nasa mahigit 20 lamang ang edad, na hindi rin alam kung bakit siya nasa VIP lounge.

Dahil dito, napaliguan ni Cam ng masasakit na salita ang nasabing empleyado, kasabay pa ng pagbanggit sa pangalan ni Special Assistant to the President Bong Go.

Sa incident report ng Manila International Airport Authority (MIAA) na nakuha ng Inquirer, papunta ng Masbate si Cam nang i-escort siya ng NAIA Airport Police Department sa VIP lounge sa isa sa mga terminals ng paliparan.

Bilang pagsunod sa protocol, hiningan ng babaeng empleyado ng MIAA si Cam ng government ID upang makapag-fill out ito ng “meet and assist” form, matapos siyang mapagkamalan na isang opisyal ng pamahalaan.

Walang naipresentang ID si Cam kundi isang credit card lamang na may pangalan niya, sabay sabi na wala siyang government ID pero sa loob ng susunod na tatlong buwan ay magiging miyembro na siya ng Gabinete.

Dahil dito, kinailangan ng empleyado na ipaliwanag sa kaniya ang terms of use ng VIP lounge, na binabayaran ng P1,120 pero maari itong ma-waive para sa mga opisyal ng gobyerno.

Matapos ang ilang minuto ng pag-fill out ng “meet and assist” form para sa kaniya, tinanong ni Cam ang empleyado kung para saan ba ito, at ipinaliwanag naman sa kaniya na ito ay para lamang sa records, kasunod ng paalala sa kaniya na siya ay may babayaran.

Dito na nagalit si Cam at pinagsabihan ang empleyado na kaya siya inescort ng mga pulis ay dahil isa siyang “high-risk person,” at kinwestyon kung bakit niya kailangang magbayad para lang sa pag-upo doon.

Ipinaliwanag naman kay Cam ang proseso at terms of use sa VIP lounge, ngunit ipinatawag pa rin niya ang manager, na nakinig sa mga hinaing ni Cam laban sa empleyado.

Dito niya pinagsisigawan at minura ang nasabing empleyado, at sinabing kausap niya sa telepono si Bong Go.

Kinwestyon ni Cam ang babae kung kilala ba siya nito, dahil kung hindi aniya, ay i-search siya sa Google, kasunod ng paggiit na wala pa siyang government ID dahil pagkatapos ng tatlong buwan pa siya magiging miyembro ng Gabinete.

Humingi naman ng paumanhin ang manager at ang empleyado, ngunit patuloy pa rin nitong binanatan ang dalawa at sinabing kaya siya pumasok sa VIP lounge ay dahil baka mabaril siya sa labas.

Inalok pa nila ng tubig si Cam para siya ay pakalmahin ngunit tinanggihan niya rin ito.

Kinuhanan pa ng larawan ni Cam ang mga ID ng manager at ng babaeng empleyado, ngunit sa halip na ibalik nang maayos ay inilaglag niya pa ang ID ng babae sa sahig.

Sa kabila ng pag-eeskandalo ni Cam sa lounge, maayos pa rin siyang pinaalalahanan ng mga empleyado na boarding na ang flight niya papuntang Masbate.

Inireport naman ng lounge manager at ng empleyado ang insidente sa opisina ng MIAA upang hindi na maulit, at sinabing maiiwasan sana ang ganitong pangyayari kung mayroong maayos na koordinasyon sa mga opisina ng paliparan.

Sinubukan naman ng Inquirer na kapanayamin si Cam ngunit hindi pa ito sumasagot sa mga tawag at text messages.

Read more...