Pagdinig sa Jee Ick Joo kidnap-slay case, tatapusin sa March 17

DOJ-660x495Tatapusin ng Department of Justice sa March 17 ang pagdinig sa kasong pagdukot at pagpatay sa negosyanteng Koreano na si Jee Ick Joo.

Ayon kay Assistant State Prosecutor Juan Pedro Navera, ito ay para makapagsumite sila ng resolusyon sa kaso bago ang April 19, 2017, itinakdang deadline ng Angeles City Regional Trial Court para tapusin ang reinvestigation sa kaso.

Sinabi ni Navera na pagkatapos ng March 17 hearing, ito ay submitted for resolution na at hindi na sila tatanggap ng mga reply affidavit at anumang rejoinder para maka-abot sa deadline ng hukuman.

Samantala, sa pagdinig kahapon ng DOJ, nagsumite ng kaniya- kaniyang counter affidavit ang mga respondents sa kaso mula sa Gream Funeral Parlor na kinasuhan ng PNP Anti- Kidnapping Group at mga opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) na isinasangkot sa kaso ni Jee.

Nagsumite rin ng supplemental counter affidavit ang mga suspek sa nasabing krimen na sina SPO3 Ricky Sta. Isabel at SPO4 Roy Villegas.

Binigyan naman ng DOJ hanggang sa March 17 para makapagsumite ng counter affidavit ang isa pang akusado na si Supt. Alan Macapagal na wala sa pagdinig kahapon dahil nasa Iloilo ito ngayon at tumutulong sa pagbibigay ng seguridad sa ASEAN summit.

Read more...