Sumuko sa Quezon City Police District (QCPD) ang mga babaeng kasama ng mga suspek na nambugbog at nakapatay sa isang Overseas Filipino Worker sa isang bar sa lungsod noong Sabado.
Nagtungo sa QCPD ang limang babae na umano ay kasama ng mga suspek sa pagpatay sa balikbayan na si Gino Basas.
Noong Huwebes, inanunsyo ng QCPD na inumpisahan na nila ang manhunt laban sa mga na sina Fritz Mohamed Cyril Rada, Earl Grande, at isang alyas “Jammil.”
Ang pagkakakilanlan ng iba pang kasama ng mga suspek ay hindi pa natukoy ng QCPD na kinabibilangan ng dalawa pang lalaki at apat na babae.
Hawak na rin ng mga otoridad ang group photo ng mga suspek noong oras na sila ay nasa loob ng bar kasama ang ilang babae bago mangyari ang insidente.
Sa inisyal na imbestigasyon, nasagi ni Basas na photographer sa isang curise ship si Mohamed malapit sa exit area ng bar.
Nakita pa sa CCTV si Mohamed habang ikinukwento ang nangyari sa labas ng bar, at makikitang agad tumayo ang tatlo pang suspek upang habulin si Basas.
Doon na sa labas ng bar nangyari ang pananakit kay Basas hanggang sa mapatay siya ng mga suspek.
Nasugatan din sa insidente ang kasama ni Basas na si Lloyd Melvin Lizondra.