Simula sa March 15, 2017 araw ng Miyerkules ipatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) amg pagbabawal sa mga light trucks sa kahabaan ng EDSA at Shaw Boulevard.
Ayon sa MMDA, trial run muna o susubukin muna ang bagong sistema sa Miyerkules kung saan, bawal ang maliliit na truck sa EDSA at Shaw Boulevard mula alas 6:00 hanggang alas 10:00 ng umaga at alas 5:00 ng hapon hanggang alas 10:00 ng gabi.
Sakop ng nasabing bagong sistema ang mga maliliit na truck na ang goss capacity ay 4,500 kilograms at pababa.
Bahagi pa rin ito ng hakbang ng MMDA para maibsan ang matinding pagsisikip ng daloy ng traffic sa EDSA.
Ayon sa MMDA Chairman Thomas Orbos, ang nasabing bagong sistema ay kabilang sa mga inaprubahan ng Metro Manila Council nang maglatag sila ng mga solusyon sa traffic sa Metro Manila.
Ang tatlo pang measures na inilatag ng MMDA na tinanggap ng Metro Manila Mayors ay ang pagtatanggal sa mga nakaparada at nakahambalang sa service road ng Roxas Boulevard para magamit ito ng mga motorista.
Gayundin ang paglilipat sa terminal ng bus mula sa Old Uniwide, patungo sa GK Plaza sa Pasay City.
Habang ang ikaapat na measure na inilatag ng MMDA sa Metro Manila Council na modified odd-even scheme ay hindi pa inaprubahan ng mga alkalde sa Metro Manila.